Tula ni Dr. Danilo N. David
Paano susundin ang tawag ng tungkulin
Upang gampanan ang sinumpaang gawain
Di inalintana panganib susuungin
Mag alay serbisyo sa Inang Bayan natin
Paano sisimulan ang isang digmaan
Gayung di mo nakikita ang ‘yong kalaban
Anong sandata o pananggang kailangan
Laban sa masamang salot o panganib man
Sa simula wari ko’y tawag ng propesyon
Dahil sa inaral sila’y nasa posisyon
Sinusunod lahat dahil sa obligasyon
Di naglaon ramdam mo na ang dedikasyon
Di biro ang mawalay sa iyong pamilya
Ang piniling propesyon yaong inuuna
Maghapong magdamag hapo di iniinda
Larawan ng malasakit sa mukha nila
Di pansin ang pagod pagganap ng tungkulin
Sa mga may sakit na dapat kalingapin
Anuman ang peligro ay handang harapin
Maging ang buhay malagay sa alanganin
Kayo at mga kasama sa inyong hanay
Paglilingkod na wagas ang iniaalay
Tanging sumasaloob Diyos gumagabay
Magwakas man ito sa pagbuwis ng buhay
Paano ang ginagawa di natitinag
Ang tibay ng loob di maipaliwanag
Di mabawasan binibigay na paglingap
Upang maihandog ang pagkandiling ganap
Paano kung wala kayong naninindigan
Kaloob aruga sa nangangailangan
Ang likas ninyong talino at kaalaman
Buong puso’t pagkatao inilalaan
Paano kung kayo’y panghinaan ng loob
Ang inyong sarili sa takot ay makubkob
Walang mukhang kaaway kayo’y magpasakop
‘wag naman sana Panginoong mananakop
Doctors, nurses, health workers, kalusugang sanghay
Sundalo, pulis, guards, ang Red Cross nakabantay
Mga tanod, kagawad, pinunong barangay
Volunteers, pamahalaan umaagapay
Gaano ito kaliit o malaki man
Ang inaambag n’yong tulong sa mamamayan
Maging payak man o mayamang kababayan
Ang buong mundo kayo ay hinahangaan
Kung mayroon mang nangliliit na iilan
Sa napakarami malaking kahulugan
Ang inyong gawain sa anumang dahilan
Nakikita at di lingid sa kalangitan
Kayong taga media buhos din sa labanan
Oras na ginugugol sa palatuntunan
Paghahatid balita na may kabuluhan
Para ipaalam ang inyong nalalaman
May pagkakataong nanunuod balita
Bigla na lang mga mata ko’y namamasa
Dama ko ang dusa ninyong tinatamasa
Anumang peste ito tuluyang mapuksa
Pa’nong ibabahagi tulong kong pisikal
Ang hangad kong magserbisyo ay umiiral
Kalagayan kong baka pa maging sagabal
Bahay na lang taimtim kayong ipagdasal
Maglalagay ba ng pulang laso sa dibdib
Katumbas suporta pagsuong sa panganib
Maglalatag ng trapal duon ipabatid
At isulat pagtanaw ng loob na tigib
Paano namin kayo pasasalamatan
Sa gawaing walang kapantay kabayaran
Pagmamahal sa trabahong ginagampanan
Mananatili sa isip at kamalayan
Kulang mga salitang aming ilalahad
Ginawa’t ginagawa n’yo di masusukat
Bawat isa sa inyo kasama ang lahat
Tiklop ang tuhod kaming nagpapasalamat
Pag napawi na ang usok ng kaguluhan
Ang tatag at giting n’yo na napatunayan
Kayo ang mga bida na nasa unahan
Taas noong nakatayo, saludo bayan
Katulad ng teleserye may katapusan
Tagumpay kayo sa papel na ginampanan
Harapin ang bayan, kayo’y papalakpakan
Ang tanging hiling ko’y wag na sanang duktungan
Higit sa lahat sa buhay na sinusugal
Idulog kaligtasan nila sa Maykapal
Sa paraang ito atin silang itanghal
Mga bayaning kahanay ng mga banal
Si Dr. DANILO DAVID ay isang manggamot sa Maynila na nagtapos sa UST School of Medicine.
+ There are no comments
Add yours